10:01

“just as real events are forgotten, some that never were can be in our memories as if they happened.”  ― gabriel garcí­a márquez, memories of my melancholy whores.


ganoon pala talaga ang ala-ala. parang magnanakaw lamang. bigla na lang susulpot sa yong harapan at nanakawin ang iyong panahon ng pansamantala. ibabalik ka sa isang pahina ng iyong buhay na matagal mo ng ibinaon sa limot. na matagal mo ng pinunit, sinunog at pinalipad sa alapaap ang mga abo nito. upang wala ng bakas. wala ng balikan.

(sabay tugtog ng ma-alala mo kaya....)

dear ate mahatma gandah....

nag-lilinis ako ng aking silid sa aming lumang bahay ng muling manumbalik ang isang nakalipas na sa pag-aakala ko ay matagal ko ng nakalimutan.

matagal-tagal na ring hindi ako umuuwi. kung hindi pa namatay ang tatay ay hindi ko maiisipang lumipad mula sa europa kung saan ako namalagi sa loob ng mahabang panahon patungong pilipinas. kahit medyo takot na akong sumakay ng eroplano (hindi ko alam kung bakit. bigla akong nag-kaphobia noong tumuntong ako sa edad na thirty five) eh umuwi pa rin ako upang damayan ang aking ina. mahal na mahal ko kasi sya.

nagkaroon kasi kami ng hindi pagkakaunawaan ng aking ama mula ng hindi ko sundin ang gusto nyang kurso sa kolehiyo. gusto nya kasi akong pumasok sa philippine military academy (afraid!), eh gusto kong maging fashion designer at writer.

ang katwiran ko noon, buhay ko ito kaya dapat ako ang magpatakbo. halos isumpa ako noon ni itay. hindi rin nya tinustusan ang aking pag-aaral. mabuti na lang naging iskolar ako sa kolehiyo at may kaunting negosyo ang nanay kaya't natulungan rin nya ako sa aking mga pangangailangan. mula noon ay hindi na nanumbalik ang dating mabuting samahan naming mag-ama.

habang naglilinis ako ay nakita ko ang isang malaking kahon na nakatago sa ilalim ng kama. medyo maalikabok na ito. sa ibabaw ay may nakasulat gamit ang itim na pentelpen "jess' old things."

nangiti ako. na-curious. ano kaya ang mga laman nito? ano kayang mga sikreto ang nandito? dali-dali kong pinunit ang tape gamit ang gunting. binuksan ang kahon. hindi ko na inalintana ang alikabok.

sa loob ay mga lumang libro ni f scott fitzgerald, gabriel garcia marquez, salman rushdie, haruki murakami, anne rice, kazuo ishiguro, f. sionil jose, at kung sinu-sino pang mga paborito kong nobelista. may mga lumang magazine tulad ng vanity fair, gq, details at vogue. natawa ako. napaka-pretensyoso ko talaga noong bata pa ako. hindi ko lubos maisip kung bakit ako nagbabasa ng fashion magazines noon. sayang lang ang pera, sa isip ko.

tapos may nakita akong isang maliit na kahon. binuksan ko ito. ang aking lumang alarm o'clock na hugis kwadrado. kulay green ang mga kamay. ang oras ay nasa 10:01. basag ang salamin nito. wala ng baterya. matagal na rin itong orasan na ito. hindi ko na nga alam na meron pala ako nito.

ano kaya ang simbolo ng oras na ito? 10:01. at bakit basag ang salamin? hmmm...

ipinagpatuloy ko ang paghahalungkat. may nakita akong mga sobre. kulay dilaw na ang mga dating puting sobre dahil sa dumi. dapat ay maibabad sa tide at zonrox para manumbalik ang kanilang kaputian. ang isang sobre ay mula sa dela salle university. binuksan ko ito. ah ito yong nag-sabi na ako'y pumasa sa entrance examination para sa kanilang mba (master of business administration) program. tapos ang sumunod na sobre ay isang sulat. naloka ako. parang pamilyar ang sulat kamay. tiningnan ko ang petsa -- september 1993. wow! sobrang tagal na. halos twenty years na ito ah. dalawang pahina sya. tiningnan ko kung kanino galing. nicky. sino si nicky?

tumigil ako. ang init. binuksan ko ang aircon. sinara ang bintana at kurtina. naupo ako sa kama.

nicky....nicky...nicky....

sumakit ang ulo ko sa kaiisip. sino si nicky?

nicky martin?

&&&&&&&&&

"jess, may tawag ka sa telepono..." ang intercom. dinig na dinig ko mula sa kwarto ko. lumabas ako at sumagot. "bababa na. salamat."

parang mali di ba? "may tawag ka sa telepono." kailangan pa talagang sabihing "sa telepono." dapat ay "may tawag ka.." na lang. mas maiksi. di ba understood na yon? alangan namang may tawag ka sa pinto. o sa radyo. o sa teevee. kakaloka. dapat ganito na lang: "jess, telepono." maiksi. diretso. pasensya na kung ini-edit ko. nasanay na ako.

umuupa ako noon ng isang kwarto sa isang malaki at lumang bahay sa may sta. ana. nasa third floor ako. mabait ang may-ari. isang matandang babae, si mrs. lao. biyuda. lahat ng kanyang mga anak ay nag-asawa na rin at naninirahan sa ibang bansa. ang kwartong gamit ko ang pinakalamalaki, dating tinitirhan ng kanyang lalakeng anak na panganay na ngayon ay sa new york na nakatira.

sa second floor ay may malaking piano na ang ibabaw ay punong-puno ng mga larawan ng mag-asawa, kanilang mga anak at mga apo. sa dingding naman ay nakasabit ang pitong malalaking larawan ng kanilag mga anak ng sila ay magsipagtapos sa kolehiyo. apat na babae at tatlong lalake. puro black and white. nakangiti. nakatoga.

may mga larawan din ng mga sina-unang tao base sa ayos ng kanilang mga buhok at sa kanilang pananamit. marahil ay mga lolo at lola at mga magulang ni mrs. lao. puro mararangya ang kanilang mga kasuotan at mga alahas, lalo na ang mga babae.  mayroon ding malaking larawan noong sila ay ikinasal ni mr. lao na isang abugado. ang babata pa nilang dalawa.  at base sa trahe de boda ni mrs. lao at ang suot na puting suit ni mr. lao, halatang may kaya ang kani-kanilang mga pamilya. alta sociedad.

may mga painting din, mga kopya ng mga katha ni van gogh, goya, dali. meron ding mga abobot tulad ng mga ashtrays at mugs, mga souvenir nila mula sa pagliliwaliw sa buong mundo.

may mga bookshelves din na karamihan ay mga librong mula sa eskwela. may mga encyclopedia. may mga nobela din. may nakita akong mga nobela ni sidney sheldon at harold robbins. nangingiti ako tuwing nakikita ko ang mga titulong if tomorrow comes, where love has gone, dahil ito ang mga binabasa kong mga libro noong ako'y nasa high school pa. ang pakiramdam ko noon ay ang talino ko at super cultured dahil binabasa ko sila. haha.

parang museum at musoleyo ang second floor na ito. imbakan ng mga ala-ala. ng mga pumanaw na.

nandito rin ang kwarto ni mrs. lao na may sariling toilet at bathroom. may bath tub pa ito. parang hotel ang ayos ng kanyang kwarto na minsan ko ng napasok ng maabutan kong nililinis ng mga katulong nila. lagi itong may sariwang mga rosas sa isang malaking vase na imported pa galing italy.

ang ganda ng banyo, puro galing sa italy at amerika ang mga gamit mula sa tiles, sink, bath tub, shower, salamin, bath robes at mga twalya.

may mga kwentong may multo sa second floor. dito kasi namatay si mr. lao. ang dinig ko, nadulas sa banyo at nabagok ang ulo sa semento. pati na rin ang mga magulang ni misis. ang bahay ay pag-aari ng pamilya ni mrs. lao na pinamana sa kanya. minsan nabanggit nya sa akin na mahigit ng isang daang taon ang bahay na ito. halata naman sa style nito, sa mga hagdang gawa sa narra, sa mga makintab na sahig na gawa sa yakal, sa mga dingding, ceiling at mga aparador na puro antique.

iyon ang isang dahilan kung bakit tumira ako dito. bukod sa mura at malapit sa justice building sa may padre faura. gusto ko kasi ang mga lumang bahay at gusali. yong tipong may mga multo at inaagiw na ang mga mwebles.

hindi ako takot sa multo. minsan nga, pag-uwi ko ng madaling-araw, may narinig akong nagpa-piano. pagdating ko sa second floor, wala namang tao. patay ang mga ilaw maliban sa lampshade na nakapatong sa ibabaw nito. natawa na lang ako sabay bati sa multo ng: "good evening and good night."

^^^^^^^^^^^^^^

"hello jess, si nicky ito."

"uy hello. napatawag ka?"

"napanood mo ba ang newscast ko kanina."

"oo naman."

"ano sa tingin mo?"

"ok naman. gusto ko ang suot mong necktie at polo. gwapo ka syempre. pero parang nakangiti ka habang binabasa mo ang report tungkol sa mga nasawi sa isang lumubog na barko. tapos yong report mo rin tungkol sa nakidnap, parang nakangiti ka rin."

"oo nga eh. pero ganoon talaga ang facial expression ko eh. masaya. hindi na mababago yon."

"pwes tuturuan kitang umarte. paano mag-mukhang malungkot."

tawanan. kwentuhan. parang matagal kaming hindi nagkita. samantalang magkasama lang kami kanina sa isang press conference. tapos sabay kaming nag-dinner sa chicken bacolod. inihatid pa nga nya ako sa bahay bago sya pumunta sa tv station para sa kanyang late evening news program.

&&&&&&&&&&&&&

pareho kaming baguhang reporter ni nicky. siguro nauna lang ako ng tatlong buwan sa kanya. isa sa mga beat ko noon ang department of justice. duon ko sya unang nakita at nakilala. trainee lang sya noon, kasa-kasama ang isang batikang tv reporter na mabait din kahit kilala na sya.

magaan kasama si nicky, matalino, gwapo, matangkad. daming may crush sa kanya na mga reporter at kahit mga officials ng doj. naging close kami dahil na rin sa halos mag-kaedad lang kami. karamihan ng mga reporter na kasabay namin ay medyo may mga edad na. lagi syang tinatanong sa akin pag wala sya sa doj dahil nasa ibang beat sya katulad ng department of foreign affairs, national bureau of investigation, at iba pa.

ganoon ang mga reporter sa tv. madaming beats. hindi tulad namin sa dyaryo na isa o dalawa lang. kaya mas nahahasa kami sa kinokober naming beat. mas kilala namin ang mga opisyales. dahil dito, madalas akong nagiging tanungan ni nicky. minsan din, humihingi sya sa akin ng istorya kapag hindi sya nakapunta sa isang press conference dahil abala sya sa ibang coverage.

pero ok lang yon. kahit ano, ibibigay ko at gagawin ko para sa kanya.

madalas kaming magkasama. lalo na noong hindi pa sya newscaster. pagkatapos magsulat ng mga istorya, kumakain kami sa labas ng dinner. laging jollibee o kaya ay chicken bacolod dahil yon lang ang afford namin. tapos minsan nanood ng sine. o kaya ng basketball sa araneta. mahilig sya sa basketball. dati syang varsity player sa university nila. pareho kaming iskolar sa college. sya dahil sa basketball, ako sa academics. tapos pagdating sa bahay, tawagan sa telepono.

binibiro na nga kaming magsyota ng mga kasama naming reporter. pero wala kaming pakialam. ang alam ko may girlfriend sya. mula pa noong college. pero "cool off" muna sila dahil nasa london ang girlfriend nya at nag-aaral ng master's sa isang kilalang university.

alam ni nicky kung ano ako. siguro mga dalawang buwan na kaming magkaibigan ng magtapat ako sa kanya na mahal ko sya. korni pa nga. inipit ko ang sulat ko sa isang gq magazine na hiniram nya. ang takot ko noon. baka magalit sya. pero ok lang kung mgalit sya. kung mawala sya. ang mahalaga malaman nya ang nararamdaman ko dahil ang hirap magtago.

ang hirap magmahal na ikaw lang ang nakakaalam.

&&&&&&&

ganito ang eksena ng magtapat ako.

bago ako bumaba ng kotse nya, inabot ko ang magazine. yong may naka-ipit na love letter ko. nanginginig pa nga ang kamay ko ng iabot ko yon. malalim na ang gabi. alas dose na yata. kakapangilabot pa. kahulan ng kahulan ang mga aso. tapos noong paakyat na ako sa second floor, may narinig akong nagpa-piano. buti na lang lasing ako at hindi ako takot sa multo.

paghiga ko sa kama matapos maligo, hindi ako makatulog. hinihintay ko ang tawag nya sa telepono tulad ng nakagawian nya, pero wala. na-praning tuloy ako. baka nagalit nga ang kumag. lagi kasing tumatawag yon kahit disoras na ng gabi para lang sabihing safe syang nakauwi. kahit lasing pa sya.

sweet talaga sya. sino ba namang hindi mai-inlove sa kanya di ba?!

mga alas otso ng umaga. kakagising ko lang. papunta ako ng banyo para maligo nang tumunog ang intercom. para sa akin. phone call. dali-dali akong bumaba kahit nakatapis lang ako ng twalya at walang ibang suot. kesehodang kita ang boobs ko. baka si nicky. baka mag-pu-propose na ng kasal!  halos tumalon ako mula third floor papuntang ground floor.

tama ako. si nicky.

hindi ko alam ang sasabihin ko. ang tindi ng kaba ko. pero bahala na, sa isip ko.

"mabuti naman at gising ka na." ang bati nya. walang hello.

hindi ako makapagsalita. parang may nakabara sa lalamunan ko. ang tindi pa rin ng kaba ko.

"nabasa ko ang love letter mo. sira ulo ka talaga. pero ok lang yon. matagal ko ng alam na may gusto ka sa akin. obvious ka naman eh."

"gago! paano mo nalaman?"

"eh namumula ka pag tinutukso tayong magsyota eh. tapos hindi ka makatingin sa akin ng diretso. tapos ng minsang malasing tayo, niyakap mo ako at hinalikan."

"baliw! kailan naman yon? at saka bakit kita yayakapin at hahalikan kung lasing tayo. eh amoy alak tayo noon at amoy sigarilyo. ang baho kaya. yuck!"

tumawa sya. malakas. pang-asar. natawa na rin ako. nawala ang kaba. ang tensyon. lumuwag ang dibdib ko. isang tanong ang biglang pumasok sa isip ko. may gusto din ba sya sa akin?

"ah basta ok lang yon. sige, kita tayo mamaya. wag kang awkward ha. at wag kang pahalata sa ibang mga reporter. lalo kang tutuksuhin."

&&&&&&&&&&&&&

subic. pagkatapos ng isang coverage. kanya-kanyang kwarto ang mga reporter sa isang hotel doon.. kaming dalawa ang magkasama syempre. inuman kami tulad ng nakagawian sa maynila. yosi. amoy sigarilyo ang kwarto. pero serious mood ako. naka-boxer shorts ako at sandong puti.  birhen na birhen. sya naka-pajamang kulay asul. sosyal kasi sya.

"nahihirapan na ako, nicky. ano sabihin mo na. may gusto ka rin ba sa akin?" pangungulit ko.

hindi sya umimik. panay sigarilyo nya. tapos binuksan ang tv. pinalakas ang sound. halos isang taon na rin kaming magbarkada. meaning ganoon na rin katagal mula ng magtapat ako ng pag-ibig sa kanya.

"pag hindi mo ako sinagot ngayong gabi, hindi mo na ako makikita pa. uuwi ako ng probinsya."

"ano naman ang gagawin mo doon? liligawan ang mga trabahador nyo sa hacienda?"

"nicky..."

"ano?"

"oo o hindi."

nakaupo kami sa isang maliit na mesa na bilog. magkaharap. nakatalikod ako sa teevee na nakadikit sa dingding. sya nakaharap doon at sa akin. patawa-tawa sya.

"ano ang gusto mong sabihin ko?"

"kung ano ang nararamdaman mo. ang daya mo kasi eh. ikaw alam mo na ang lahat sa akin. na mahal na mahal kita. tapos ako, eto. nakabitin sa ewan."

"may girlfriend nga ako di ba? na-meet mo pa nga sya ng umuwi sya last christmas."

"so hindi. wala."

walang sagot. ang tagal. nainis ako. tumayo. lumabas. bumaba sa lobby. walang tao. pumunta sa restaurant bar. may ilang tao pa doon. puro lolo at lola na. mga hindi ko kilala. buti naman, sa isip ko. wala ng reporter. umupo ako sa bar. umorder ng beer. tahimik na. wala na rin ang banda.

"last call na po sir. magsasara na kami."

tiningnan ko ang oras. alas dos na pala ng madaling araw.

"sige pa-order ng apat na beer. pag di ko naubos at nagsara na kayo, dadalhin ko sa kwarto ko."

tumango ang bartender. ibinigay ko ang room number ko.

maya-maya heto na si nicky. sinundan ako. naka-pajama pa rin ang gago. naka-tsinelas. pasuray-suray. halatang lasing na lasing. may hawak pang sigarilyo. umupo sya sa tabi ko. saktong inabot ng bartender ang apat na beer. tig-dalawa kami.

"oh bakit?" tanong ko. pinipigil kong hindi matawa sa hitsura nya. sa hitsura ko na naka puting boxer shorts at sando. para kaming mga sira ulo.

"nag-alala ako eh. baka mag-suicide ka."

"sira. dahil lang sa yo?! never!"

"so ok ka lang?"

"bakit naman hindi?"

"sumeryoso ka naman. seryoso ako."

"call."

"jess...hindi tayo pwede. mahal ko si alma. pero masaya akong kasama ka. enjoy ako sa friendship natin. sa company mo. wag nating sirain dahil lang dito."

"nila-lang mo lang ang nararamdaman ko? bakit dahil ba sa bading ako? so ano lang ang importante? ang feelings nyong mga straight?"

"i don't mean it that way. you know me." ayan. lasing na nga sya. at seryoso. nag-e-english na eh.

"sorry, nicky. pero hindi ko kayang maging friends lang tayo."

"bakit hindi?"

"dahil sobrang mahal kita. pinag-nanasaan kita. gusto kitang maangkin. mahagkan. maka-sex."

natahimik sya.

"sorry."

"that's alright jess. at least you're honest. that's why i like you. pero hindi kaya infatuation lang yan? na lilipas din yan?"

"you're crazy! infatuation at twenty four? pang elementary lang yon."

"twenty five. you're twenty five. we're twenty five."

"ok twenty five. whatever. infatuation ka dyan. eh kung infatuation ito, hindi ko na sana sinabi sa yo. hindi ko na sana pinahirapan pa ang sarili ko at ikaw. hindi ko na sana sisirain ang ating friendship. sira ka talaga. umalis ka na nga. matulog. baka hindi kita matantya eh mabugbog kita. kahit malaki kang tao, kayang-kaya kitang bugbogin. white belter ako at laking military. anak yata ito ng heneral."

"ok. i like you a lot. i don't understand myself either. i enjoy your company. your jokes. i miss you when i am not with you. i like being with you. i love talking to you. i respect your views, your ideas, your opinions. maybe i love you. maybe not. i don't know. it never happened to me before."

ako naman ang natahimik. medyo nose bleed sa kaka-english nya. parang naiiyak na sya. gusto ko syang yakapin. amuin. aluin. ikandong sa aking mga mapagpalang mga bisig. pero hindi pwede. awang-awa ako sa kanya.

"and i love my girlfriend. i want to marry her. i want to have children with her. if there is one thing that i am sure about in this world, it's my feelings for her."

&&&&&&&&&&&&

hindi ko na sya nakita pag-kauwi namin mula sa subic. nag leave ako ng dalawang linggo. sabi ko sa editor ko, namatay ang lolo ko. (totoo naman eh. kahit matagal na syang patay. maliit pa ako noon. pero ano ngayon?)

pagbalik ko sa opisina, nagpalipat ako ng beat. sabi ko may nang-haharass sa aking opisyales sa doj. lumipat din ako ng bahay. isang lumang bahay ulit sa pasay. hindi ko na rin pinanood ang newscast nya. hindi ko na rin kinita pa ang mga kaibigan namin.

gusto ko syang burahin sa isip ko. sa puso ko. sa diwa ko. mahirap. sobra. mas mahirap pa sa pag-papapayat o kaya ay pag-tigil sa paninigarilyo. pero kakayanin ko.

eto na.

september 1993. siyam na buwan matapos ang subic coverage. may dumating na envelope sa aking bagong beat sa central bank. parang wedding invitation. kinabahan ako. kinutuban.

tama ako. ikakasal si nicky at si alma. sa susunod na sabado. september twelve. invited ako. tapos may sulat si nicky. ang haba. pinaliwanag nya ang lahat-lahat. na kahit ganoon ang nangyari, itinuturing pa rin nya akong isang matalik na kaibigan. sabi pa nya, gusto nya sana akong kuning best man, kaso baka mainsulto ako. hindi daw naman pwedeng maid of honor dahil magagalit si alma.

"i hope you will be at the wedding. it will mean so much to me....

always your best friend,

nicky"

tinawagan ko sya sa bahay. nagbakasakaling nandon pa sya. buti na lang at sya mismo ang nakasagot.

"jess! long time no hear. nice to hear from you again my friend." may halong galak nga sa boses nya. na-alala kong bigla ang dimples nya pag ngumingiti. ang mapuputi at pantay-pantay nyang mga ngipin. "where have you been? ang tagal kitang hinanap."

"na-miss mo ako?" gustong kong itanong. pero hindi ko itinuloy. baka iba ang isagot nya. mahirap na.

"sorry to bother you, nicky. i just received your wedding invitation. sorry, i can't make it."

"i sort of expected that."

"look. gusto kong pumunta. gusto kitang makita ulit. kayong dalawa ni alma na ikinakasal kahit masakit. pero yon din kasi ang araw ng entrance exam ko sa lasalle. ayokong ma-depress habang sumasagot ng exam. baka hindi ako pumasa."

"so itutuloy mo ang plano mong mag-mba? congrats."

"yes. i need a distraction. to stop myself from obsessing about you."

"ok. i understand."

tahimik ulit. gusto ko ng ibaba ang phone. pero hindi ko magawa. ganoon din sya. parang may hinihintay na marinig mula sa akin, o kaya ay sabihin pa.

ako ulit: "paano mo nalaman ang bago kong beat?"

"sa dyaryo. nababasa ko ang mga istorya mo. saka pinagtanong kita sa kasama kong business reporter."

natuwa ako. pinagtanong pa talaga nya ako.

"nicky."

"yes."

"may gagawin ka ba tonight? kung hindi ka busy, dinner tayo."

"sure!"

sa sobrang tuwa ko, natabig ko ang maliit na alarm o'clock sa desk. nahulog ito. nabasag ang salamin. tanggal ang battery. pinasok ko ulit ang battery, pero ayaw ng gumana.

10:01 ang oras. eto ang oras nang mamatay ang aking puso. dead on arrival. eto rin ang oras na natapos ang ilusyon ko kay nicky -- na balang araw mare-realize nyang mahal nya ako at hindi si alma.


&&&&&&&&&&&&&

cafe adriatico. eight ng gabi. buti na lang may naitago akong gift check mula sa isang bangko. at least ma-ti-treat ko sya ng dinner sa medyo sosyalin na lugar. hindi sa jollibee. o chicken bacolod.

nauna syang dumating. lintik! lalong gumuwapo ang loko. may glow.  lalong sumarap. mahihirapan yata akong pigilin ang sarili ko. eto pa, lalong gumanda ang katawan. nag-gym na yata ang hudas. naka-puting tee-shirt sya na lacoste. maong na pants na kulay itim. brown na belt. at least may natutunan sya sa paghiram-hiram ng gq magazine sa akin. na ang iba ay hindi pa nya nasosoli.

tumayo sya ng malapit na ako. sabay yakap. ang higpit. ang bango nya. nag-perfume ang loko. impressive!

"nice to see you again, jess."

"ako rin. masayang masaya na dumating ka."

"ako pa?"

order. inom. kain. kumustahan.  yosi.

"sorry talaga sa lahat-lahat ha nicky. sa pang-gugulo ko sa buhay mo."

"ano ka ba. wala yon. actually, flattered nga ako..... na alam mo na. nagkagusto ka sa akin."

"hidi pa po past tense."

natawa sya. ayan na naman ang pamatay nyang dimples.

"ah ganoon ba. lilipas din yan."

"alam ko."

"pagkatapos nito sama ka sa akin. may stag party sa bahay ng friend ko."

"may mga chicks ba, pare?"

tawanan ulit.

"oo pare. sigurado yon. gusto mo tig-dalawa pa tayo."

&&&&&&&&&&&&&&&&

masaya ang stag party. puro kwela ang mga barkada nya. ang iba mula pa noong high school. ang iba sa college at ang iba sa tv network kung saan sya nagtratrabaho. inuman. may mga babae din. magaganda. sabi ni nicky, mga call girls daw. pero mukhang mga modelo. hindi cheap ang kanilang dating. may tequilla shots pa, didilaan mo ang asin mula sa boobs ng babae. saka mo iinumin ang tequilla. lahat sumali, maliban sa akin. hindi naman nila ako pinilit. lalo na ni nicky na hindi umaalis sa tabi ko. na naka-akbay sa akin buong gabi.

maya-maya nagyaya syang magyosi sa terrace. habang abala ang lahat sa panood sa dalawang babaeng nagsasayaw ng nakabikini lang. alam ko na ang kasunod noon.

maaliwalas ang gabi. mahangin. may mga tala at isang payat na buwan na parang isang maliit na hiwa ng pakwan. madamot sa liwanag. pero ok lang yon. mas romantic. ang huling gabi namin.

"sure ka bang okey ka lang, jess?"

"oo naman." sagot ko kahit hindi. alangan namang aminin kong para akong mamatay sa sakit. na parang hinihiwa ang puso ko at binubudburan ng asin, suka at toyo. dahan-dahan pa. ngumiti ako. pekeng ngiti. "ikaw? anong plano mo after ng kasal?"

"let's not talk about it. i am more concerned about you. sigurado ka bang gay ka talaga? baka closet heterosexual ka. baka nagrebelde ka lang sa heneral mong ama kaya nag-pakabading ka."

"what a question and a theory. of course i am gay. baby pa lang ako alam ko na dahil umiiyak ako kapag kulay blue ang diapers na isinusuot sa akin. pero tuwang-tuwa ako kapag pink. pero kung concerned ka na pipikotin kita ngayong gabi, don't worry. i would never do that. i want you to be happy."

natawa na naman sya. masayahin talaga ang gago. ang daling patawanin. yon daw ang isang gusto nya sa akin. napapasaya ko sya. napapatawa.

"ako rin. i want to see you happy, jess."

"eh pahalik para sumaya ako." biro ko.

"ikaw talaga." sabi nyang nakatawa pa rin. sabay akbay sa akin. nagkalapit ang aming mga mukha. amoy ko ang sigarilyo at alak sa bibig nya. ganoon din sya. medyo nag-init ako.

hindi ko na napigil ang nararamdaman ko.

"can i kiss you, nicky?" totoo na to. seryoso. pero polite pa rin ako kahit lasing na at medyo horny na.

sa halip na sumagot, hinalikan nya ako. sa labi. ang tagal. ang sarap. tapos yumakap sya. yakap din ako. ang higpit ng yakapan namin. pagkatapos ay niyaya nya akong umalis na kami. kahit ayaw kaming payagan ng mga kaibigan nya, wala silang nagawa. hila-hila ako ni nicky hanggang sa kotse nya. para akong matandang bulag.

sa motel kami tumuloy.

&&&&&&&&&&&

umaga. tulog pa sya. tinakpan ko ng kumot ang hubad nyang katawan. baka mag-kasipon sya dahil sa aircon. inayos ko rin ang kanyang mga damit. ang tee-shirt nya ay inilagay ko pa sa hanger.

tapos kinuha ko ang ballpen at papel mula sa bag ko. sumulat ako.

"nicky,

thank you for everything. you're the first ever man that i love this deeply and the very first one whom i've slept with. it pains me to see you go. to let you go. but i have no choice. i want you to be happy.

i will never forget you.

all the bests.

jess."

maikli. pero tagos sa puso. sa laman.

paalam.

paalam unang pag-ibig. paalam sa napakadakilang lalakeng nakilala ko sa buong buhay ko.


&&&&&&&&&&&&&

kasal nya. exam ko sa mba. wala ako sa sarili ko. hindi ako maka-sagot kahit simpleng tanong lang: where do you see yourself five years from now?

saka ang isa pa - what will be the value of an mba education to you? to your company? to society?

gusto kong iwanan ito. pumunta sa simbahan. itigil ang kasal. magloka-lokahan. mag-drama katulad ni snooky serna na pumunta sa kasal ni albert martinez sa isang pelikulang ang pamagat ay "i went to your wedding." oh di ba? sobrang literal.

ewan ko kung paano ko nasagutan lahat ng mga tanong sa eksam na yon. paano ko naipasa.

&&&&&&&&&&&&&&

katok sa pinto. si nanay. hindi ko binuksan. ayaw kong makita nya akong umiiyak. na yakap-yakap ang sulat ni nicky na naaagnas na. na muling pumukaw sa natutulog ko ng puso.

"kakain na." sabi nya sa labas ng pinto. "puro paborito mo ang niluto ko. may ginataang puso ng saging at dinuguan."

potsa. pati ulam akmang-akma sa nararamdaman ko.

"tatapusin ko lang po ang paglilinis, 'nay. i'll be there in a few minutes."

mga yabag. paalis na sya. si inay. pero hindi ang lungkot na nadarama ko. na-alala ko na dalawang taon matapos ang kanilang kasal ay pumanaw si nicky sa isang plane crash.

sinara ko ang kahon. ibinalik lahat ng nakalagay doon. puwera ang sulat. at ang lumang alarm o'clock. inilagay ko ang mga iyon sa maleta ko.

&&&&&&&&&&&&&&&

“for you was i born, for you do i have life, for you will i die, for you am i now dying.” 
 gabriel garcí­a márquez, of love and other demons.


note: photo above was taken from the internet. no copyright infringement intended. please inform me if you want it taken off. thank you.

Comments

Popular posts from this blog

love's long wait

love isn't everything; but then it will never be

filipino women on the verge of.....greatness