pinagbuklod ng pagkakalayo

“it was a love of perpetual flight.” -- gabriel garcí­a márquez




"mabuti naman nakarating ka?" bungad nya habang hinihila ko ang upuan sa harapan nya. hindi sya asar. nakangiti pa nga sya. ganoon lang talaga sya. ni hindi sya tumayo upang kamayan ako.  o kaya ay halikan sa magkabilang pisngi tulad ng nakagawian ko sa iba kong mga kaibigan.

"sinabi kong darating ako, kaya eto." sagot ko, sabay upo. "sorry traffic eh. kanina ka pa?"

"hindi pa pinapanganak si hesus, eh nandito na ako."

tawanan.  gusto ko ang mood nya. magaan. "umorder ka na?" tanong ko.

"hindi pa.  hinihintay kita."

inabot nya ang menu.

"anong gusto mo?" tanong ko ulit.

matapos kaming umorder ng makakain at maiinom, tahimik kami. naiilang ako, at alam ko ganoon din sya. matagal din kaming hindi nagkita. ngayon na lang ulit. mga pitong taon siguro. tanging sa facebook lang kami nagbabatian at nagkakaalaman ng mga nangyayari sa buhay namin. doon ko rin nakikita kung ano na ang hitsura nya makalipas ang mga taon.

"kumusta ka na?" sabi nya ulit habang binubuksan ng waiter ang beer na inorder namin. san miguel light. nang hindi ako sumagot, natawa sya. "sorry, ang korni ng tanong ko."

matapos mabuksan ang beer at balutin ang mga bote ng tissue, umalis na ang waiter. saka ako nagsalita.

"ok lang. heto tumataba. tumatanda. nakakalbo."

tiningnan nya ako. tumitig sa mukha ko. sa buhok ko. sabay ngiti. nailang ako. namula na parang kolehiyalang walang alam sa mundo. hindi ako makapaniwala na sa edad kong eto ay may isang lalakeng makaka-pag-pa-blush pa sa akin. kinabahan tuloy ako. ano ba ito, sa isip ko. bakit ba ako nakipagkita pa sa kanya. masokista ka talaga. gusto mong masaktan ulit.

"sira. ganoon ka pa rin. walang pinagbago. hindi ka tumatanda." sabi nya, sabay taas ng bote ng beer. itinaas ko rin ang bote ng beer ko at dinikit sa kanyang bote. "cheers!"

medyo napalakas yata ang umpugan, may umagos na puting bula mula sa bote ko. nabasa ang kamay ko ng kaunti. buti na lang nakatupi ang sleeve ng polo ko. kung hindi, nabasa din yon. nag-abot sya ng tissue. pinunasan ko ang kamay ko. ang lagkit.

"ikaw din. medyo tumaba ka, pero bagay sa yo. kesa naman dati, sobrang payat mo. saka buti wala ka ng braces. gusto ko ang hitsura mo ngayon, medyo nag-mature."

"akala ko hindi mo magugustuhan. di ba ayaw mo ng medyo mature na. nang isang lalakeng lagpas twenty two na." sabay tawa nya. tapos tinongga ang beer nya ulit.

"dati yon. iba na ako ngayon." sabi ko, habang pinagmamasdan sya. oo na. lalo syang gumuwapo. bagay sa kanya ang blue na long sleeve polo. bagong gupit din sya, at inayos ng gel ang buhok nyang makapal at itim na itim. lalong kuminis ang dati na nyang makinis at maputing kutis. mamula-mula pa ang kanyang mga pisngi.

maya-maya dumating na ang pagkain. mga paborito nya. adobong baboy na pinatuyo. sinigang na sugpo sa bayabas. ensaladang pako. pritong isda na pla-pla na kasing laki ng palad ko.

&&&&&&&&&&&&

pagkatapos kumain, nagkape. tapos umorder sya ng isang bote ng alak. merlot. maya-maya, medyo pareho na kaming may tama. nag-iba na ang usapan. wala na ang kumustahan. kung baga sa pelikulang love drama story, nandito na kami sa kalagitnaan. may tensyon na. may halong drama. pinag-aagawan na ang bidang lalake ng dalawang babae. pinapapili na ng asawa ang lalake. sya o ang kanyang kabit.

sa isip ko, sana walang sumbatan. ayoko ng singilan. ng sisihan.

"tahimik mo?" sya.

nakatingin ako sa labas. maulan. pero maliwanag pa rin ang paligid dahil sa buwan. parang umaga lang. full moon. nakadagdag pa ang mga christmas lights na nakasabit sa mga puno.

kahit umuulan, tuloy pa rin ang mga batang kalye sa panga-ngaroling. gusto kong lumabas at abutan sila ng pagkain at kaunting pera. kawawa naman. wala silang payong. walang jacket. ang una kong nainisip -- paano kung magkasakit sila? tila walang pakialam ang mga tao sa kanila. ang mga drayber ng kotse at taxi na kinakatok nila. nasaan kaya ang mga magulang nila?

"wala. sorry. wala akong maisip na sabihin." totoo yon. kung kanina sa taxi ay ang dami kong gustong itanong, liwanagin at ikwento sa kanya, ngayon biglang nawala lahat. kumbaga sa exam, para akong na-mental block. walang maisagot. inom ulit ako ng alak. baka sakaling pag lasing na lasing na ako ay ma-alala ko lahat ng gusto kong sabihin sa kanya.

"alam ko ang iniisip mo."

"manghuhula ka na pala."

"saan mo ako gustong mag-umpisa?"

"bahala ka."

*******************

katulad ng dati, sa dulo sya nag-umpisa. dire-diretso. walang kyeme. walang liko-liko. hindi tulad ko.

"wala pa akong asawa. hindi ko rin anak ang nasa facebook ko. pamangkin ko  yon."

"bakit kahawig mo? at kapangalan mo?"

"eh syempre anak ng kapatid ko. paborito nya akong kuya, ako ang nag-paaral sa kanya. kaya sinunod ang pangalan ng anak nya sa akin. para daw mamana ang kagwapuhan ko at kabaitan ko."

tumango lang ako.

"oo nagka-girlfriend ako. madami. alam mo naman ako di ba? hindi ko kayang mag-isa hindi katulad mo. pero walang nagtagal. hindi nila matiis ang ugali ko. seloso daw ako. batang-isip. moody. masungit pag may problema. pala-away kung lasing. ikaw lang yata ang nagtyatyaga sa akin."

"eh ngayon?"

"single ako. mag-iisang taon na. ewan. nagsawa rin. ikaw? naka-ilang boyfriend ka na? kayo pa rin ba ng model na nag-aartista na?"

"wala na yon. hindi naman seryoso yon."

"ows."

"i swear." sabay tinaas ko ang palad ko.

ewan. pero parang biglang lumakas ang music sa restaurant. o ngayon ko lang napansin. si ariel rivera. kumakanta ng bakit ngayon ka lang. nagtaka ako. bakit hindi christmas carols ang tugtog? pero okey na rin ito. at least hindi ko mararamdaman ang lungkot na dala ng paparating na pasko. isang araw na lang.

&&&&&&&&&&&&&

"bakit mo nga pala ako gustong makita?" tanong nya.  medyo lasing na kami. naka-dalawang bote na kami ng merlot. malakas na ang aming mga loob. eto na ba ang umpisa ng sumbatan?

"kailan ka pa natutong uminom ng wine? sorry, medyo out of topic. dati kasi ayaw mo. puro beer ka lang. sabi mo hindi mo gusto ang lasa."

"sa abroad. sinanay ko ang sarili ko. para alam ko kung bakit gustung-gusto mo ito. nasubukan ko rin ang iba pa. hindi lang merlot. chardonnay. champagne. shiraz."

gusto kong sabihing "ang sosyal mo na pala. hindi na kita maabot." pero baka magtampo sya. maging iba ang dating sa kanya. sa halip:

"kaya pala wala kang tyan. i mean, hindi lumaki ang tyan mo. kahit medyo nag-gain ka ng weight."

"bagay ba talaga sa akin ang medyo mataba. dati kasi para akong si palito eh."

"oo. lalo mong naging kamukha si paulo avelino."

tumawa sya. "bolero ka pa rin."

natawa din ako. "hindi ah."

"ikaw din, lalong gumanda. mas maganda ka pa kay ara mina."

"baliw!"

"di ba yon ang tawag ko sa yo dati. ara. ako naman si jomarie. dahil sabi mo kahawig ko. bakit ngayon paulo avelino na?"

nangilabot ako ng maalala ko ang mga kabaduyan namin. bakit nga ba ara at jom? and dyologs lang ng dating. bakit hindi brad at angelina. o kaya julia roberts at hugh grant? paborito namin ang mga pelikula nila. mr. & mrs. smith. notting hill.

"wala lang. mas hawig mo kasi talaga si paulo. pareho kayong maputi, matangkad. sweet magsalita."

&&&&&&&&&&&&&

"gusto mo ba?"

"ang ano?

"mag-motel tayo."

"sira."

"para makabawi ako sa yo."

kahit lasing na ako, namula pa rin ako sa sinabi nya. naasar. hindi ako mumurahing.....bakla.

"nakaka-insulto ka. lahat ng ginawa ko at itinulong sa yo, walang kapalit yon. masaya na ako na narating mo ang iyong mga ambisyon."

"nagi-guilty kasi ako eh. ang dami-dami kong kasalanan sa yo."

"wala yon. hindi ako nagpapabayad. sapat ng ikaw ang taya sa dinner natin ngayon. ok na  iyon."

"bakit ka nga pala nagalit sa akin? bakit mo ako binura sa facebook dati? bakit hindi ka na tumawag?"

eto na ang umpisa, sa loob-loob ko. ano ang sasabihin ko? magsisinungaling ba ako? magsasawalang kibo? dedma na lang ulit?

"wag na nating pag-usapan pa. tapos na yon eh."

"please."

"gusto mo talagang malaman?"

"oo. sige na."

buntong hininga. ako. ang hirap. hindi ko alam kung paano sasabihin na hindi sya masasaktan. parang gusto kong magsigarilyo. pero tumigil na nga pala ako. matagal na. hindi ko na nga alam kung ano ang lasa ng sigarilyo. o paano magsindi.

****************

"kina-usap ako ng mommy mo. sabi nya gusto nya ako dahil mabait ako. disente. magalang. lahat daw ng gusto nya sa isang babae para sa yo, nasa akin na. pero..."

"pero ano?"

"yon nga. hindi naman daw ako babae. gusto nya raw magka-apo sa yo. makita kang ikinakasal, magka-pamilya. naiintindihan ko naman yon eh. yon naman ang gusto ng lahat ng mga magulang."

"sinabi nya yon?"

tumango ako.

"si mommy talaga. tapos tinanong nya ako kung bakit hindi ka na tumatawag sa bahay. kung bakit hindi ka na pumapasyal."

"sorry ha. ayokong magalit ka sa mommy mo. tama naman sya eh. walang kahahantungan ang relasyon natin. wala kang mahihita sa akin."

"bakit ka sumunod? akala ko ba mahal mo ako?"

mga tanong na mahirap sagutin. gusto kong sabihing "dahil kaya lang kitang mahalin kung tayo'y magkalayo. kung milya-milya ang agwat natin sa isa't-isa." pero tumahimik na lang ako.

*******************

nagising ako sa ingay. parang may nag-uusap. nalito ako. nablangko. sino ang mga nag-uusap na yon? eh mag-isa lang ako sa tinutuluyan ko. nasaan ako? anong oras na? medyo gising na ang diwa ko, pero tulog pa ang katawan ko. tinatamad pa. pag mulat ng mata ko, bumulaga sa akin ang kulay asul na dingding at ceiling. puting kurtina. nasa kwarto ko ako. naka-sara pa rin ang mga kurtina. inabot ko ang cellphone ko. alas onse na ng umaga.

bumangon ako. pinatay ang aircon. kinuha ang twalya na nakasabit sa bangko. pag labas ko, nakita ko sya. bagong ligo. nakaupo sa sofa. nanood ng teevee.

"good morning. merry christmas."

"hi!"

"sorry, maingay ba ang teevee?"

"ok lang. kailangan ko na ring gumising. may lunch appointment ako."

"iiwan mo ako? paskung-pasko?"

"sorry. hindi ko kasi alam na nandito ka."

"ang sama mo naman." galit nyang wika. namula na sya. nakakunot ang noo. umuusok ang tenga.

"i mean, wala akong ma-alala kagabi. ang alam ko lang, nalasing tayo pareho. hindi ko na nga alam paano ako nakauwi. saka matagal ng na-set ang lunch na ito. hindi ko pwedeng i-cancel eh."

"ah ganon ba? sige alis na ako."

tumayo sya. nakapaligo na sya. amoy sabon at shampoo pa. basa ang buhok. suot ang polo at maong na pantalong gamit nya kagabi. naisip ko tuloy na pahiramin sya ng damit na malinis.

"wag. sorry."

binuksan nya ang pinto.

"hindi ka pa rin nagbabago," sabi nya. "lagi mo pa rin akong itinataboy palayo sa yo."

hinawakan ko sya sa braso at hinila papunta sa sofa. sumunod naman sya.

"sorry na ulit." napatingin ako sa mesa. may tinapay, omelette, fried rice at corned beef. "salamat at nagluto ka."

wala pa rin syang imik. tinabihan ko sya sa sofa.

"wag ka ng magtampo please. alam mo naman pag nalalasing ako di ba? sobrang blangko ang utak ko the next day. para akong nagka-amnesia."

inabot nya ang kamay ko. pinisil.

"ok lang. sorry din. asal bata ako."

"eh bata ka pa naman talaga eh."

tumawa sya.

"kumain ka na. masarap yan."

"mukha nga eh. na-miss ko ang luto mo. pero shower lang ako ha. amoy yosi pa ako eh. dyahe sa yo. ang bango-bango mo."

"sabay na tayo."

"di ba kaliligo mo lang?"

"ayaw mo?"

hindi ako sumagot. tumayo ako sa harapan nya at sinimulang hubarin ang polo nya. tapos ang pantalon nya.  "sigurado ka bang masarap ang breakfast na inihanda mo?" tanong ko.

"sobra."

******************

“i've remained a virgin for you.”   gabriel garcí­a márquez, love in the time of cholera.

Comments

Popular posts from this blog

philippine cinema's best actresses

one fyn day

filipino women on the verge of.....greatness