ang taghoy ng pangungulila sa gabing pinagkaitan maging ng mga bituin





habang ari mo pa ang kaharian ko

dumadaloy pa rin sa mga ugat at buto ko ang lagablab ng iyong mga halik
parang hangin sa katanghalian,
mainit, maingat, marahan, malumanay
ngunit sa katagala’y
nagiging marahas, mapusok, mapaghanap
winawasiwas maging matitigas na ugat na sa daho'y nakaugnay, 
dinuduyan, hinahampas, hindi sumusuko
hanggang mahapo.




sa iyo ang aking katawang uhaw
ariin mong parang kaharian mo
habang ito’y sa yo
itayo mo ang bantayog na matayog, mahaba, matikas
hindi basta basta sumusuko sa hampas ng hangin.

sumasayaw sa daluyong ng panahon
iyong iyo, buong buo
pero katulad ng hanging mapaglaro, hindi mapakali
 sa kalauna’y lilisan din upang sa ibang lupain naman magbakasakali.

mananatiling hungkag ang puso, mananangis, mananaghoy
lalo na sa katahimkikan ng takipsilim at hating gabi
habang ika’y sa ibayong dagat naglalakbay
walang ibang minimithi, walang ibang hinahangad kundi muling malasap
ang mapangahas mong halik.

habang sa iyo pa ang kahariang ito
ako’y mananatiling
isang bilanggo.



Comments

Popular posts from this blog

philippine cinema's best actresses

one fyn day

filipino women on the verge of.....greatness