ang baklang pinagtaksilan ng tag-araw (ikalawang yugto ng pinagbuklod ng pagkakalayo)

(para sa unang kabanata ng kwentong ito, pakipindot dito. maraming salamat.)



eto na ang tag-araw. pero ang puso nya ay nababalot pa rin ng lamig. ang buong kaluluwa nya ay nararamdaman pa rin ang malamig na simoy ng hangin ng pasko na pina-init ng masuyong yakap at halik ni nad. ibang-iba na nga si nad kaysa sa noong una silang nag-kakilala. hindi na ito takot na ipadama ang pagmamahal nya, kahit nasa gitna pa sila ng mataong shopping mall o airport.

eto sya. nangungulila. minamadali ang mga araw para muling magpasko na.

dati-rati ayaw nya ng kapaskuhan. setyembre pa lamang ay nalulungkot na sya. gusto na nyang uminom ng alak gabi-gabi para hindi maramdaman ang pait at hapdi na dulot ng pasko. maraming hindi magagandang pangyayari ang naganap sa panahong ito. unang-una ay ang pagkamatay ng kuya nya, ng kanyang paboritong kapatid, halos tatlumpung taon na ang nakalipas.

iyon na marahil ang pinakamalungkot na pasko sa pamilya nila. biro mo, disyembre beinte singko nasa punerarya silang lahat, pinaglalamayan ang kuya niyang namatay sa atake sa puso sa edad na beinte tres. nagsisimula pa lamang umusbong ang kanyang mga dahon, ang kanyang mga tangkay, ngunit pinutol na agad. bago pa man tumatag ang mga ugat nito sa lupa ay kinitil na ang buhay nya.

madaming mga pangarap ang kuya nyang iyon -- magpatayo ng rest house malapit sa dagat. tulad nya, mahilig sa beach ang kapatid nyang iyon. bumili ng sariling yate, para araw-araw ay maglalayag sila sa karagatan. doon na tumira ng mga ilang buwan.

dalawa lang silang lalake sa pamilya, at tatlong kapatid na babae. ang kuya nya ang panganay, sya naman ang bunso. sa pagitan nila ang tatlong babae. dahil laging wala ang kanilang ama na isang opisyales sa militari, ito ang nagsilbing ama ng kanilang tahanan. idolo nya ito, lahat ng iutos nito ay sinusunod nya. lahat ng ginagawa nito, gusto nyang gayahin.

sampung taon lamang sya ng mamatay ang kuya nya. ngayon, mas matanda pa sya rito ng halos isang dekada. ganon kabilis lumipas ang panahon, ngunit hindi nito kayang paghilumin ang sakit na naramramdaman niya sa pagpanaw ng kuya nya. nang mawala ito, naging hungkag ang buhay nilang mag-anak. mga ilang buwan matapos ang libing, laging lasing ang tatay nya, laging tulala ang nanay nya. kaya mula noon, sa tuwing sasapit ang pasko, kasabay ng pagsimoy ng malamig na hangin ay ang pagsabog ng kadiliman sa buong kabahayan.

kung ang kanilang mga kapitbahay ay nagsasabit ng mga parol, mga ilaw, at mga krismas tri, ang bahay naman nila ay nababalutan ng lungkot na napakalalim, singlalim ng south china sea. kahit magsabit pa sila ng mga palamuti, ng malaki, mayabong at puno ng ilaw na krismas tri, hindi nito kailanman maitatago ang dalamhati sa kanilang malaking kabahayan.

subalit parang kulang pa ang pait na yon. tila sinusubok ng tadhana ang kanyang tibay. makalipas ang ilang taon, noong nasa fourth year high school na sya, ang kanyang unang pag-ibig, isang kaklase, ay isa sa libo-libong namatay ng masunog ang barkong sinasakyan nila papuntang maynila. buwan din ng disyembre ng mangyari ang sakunang yon. parang sementeryo sa lungkot ang kanilang buong bayan. parang hindi pasko, lahat tulala sa nangyari.

maging ang mga parol ay nakiayon. kahit gaano katingkad ang kanilang mga kulay, gaano kakislap ang mga ilaw, hindi maitatago ang lungkot sa kanila. kulang na lang ay umagos ang luha mula sa mga kawayan at papel de hapon.

&&&&&&&&&&&&&&&

mapagbiro talaga ang tadhana. sa ngayon, hindi nya maiwasang hindi pabilisin ang paglalakbay ng mga buwan para maging disyembre na ulit. para maka-uwi na ulit si nad -- ang tanging lalakeng umagaw ng kanyang puso. upang muli nitong bigyan ng kulay ang madilim nyang buhay. upang buhayin muli ang saya na matagal ng nabaon sa limot at minsang sumibol lamang ng muli syang dumating sa buhay nya.

may mga gabing hindi nya mapigilang umiyak. sya man ay nagtataka sa sarili nya. tinatanong nya ito ng madalas: hindi ba't naging bato na ang puso mo? bakit ngayon ito'y biglang naging mahina at marupok? subalit gustuhin man nyang lagi silang magkasama, hindi maari. bata pa si nad, marami pang pangarap na gustong maabot. makukuha lamang nya ang mga yon sa pamamagitan ng pag-tatrabaho sa ibang bansa, sa disyertong kung saan ang alikabok ay ginto't pilak. kung saan ang mainit na sikat ng araw ay nanganganulugan na si nad ay malapit na sa bituing minimithi nyang abutin.

&&&&&&&&&&&&&&&&

paano nga ba sya umabot sa ganito? isang dating dyosang sinasamba ng lahat --ngayon ay isa na lamang baklang pinagtaksilan ng tag-araw?

ang alam nya, dahil sa mapapait at masasakit na kabanata sa buhay nya noong sya ay bata pa, lahat ay kaya na nyang dalhin. na kahit anong dagok ang dumating sa buhay nya, kaya nya itong tawanan, lagpasan, tulugan. pero nagkamali sya. iba pala kapag puso ang nangungulila, ang naghahanap. walang lunas ito. walang gamot. kahit ilang bote pa ng beer ang inumin nya, hindi mapapatahan ang pagluha nito. ang tahimik na taghoy sa tuwing sasapit ang gabi.

hindi nya malilimutan ang huling gabi nilang magkasama bago tumulak si nad papuntang disyerto.

nasa kama sila, makayakap. parang pelikula. ang korni. bumubuo ng bukas sa loob ng makipot nyang kwarto. nakahiga sya sa maskuladong braso ni nad. ang kanyang kaliwang kamay ay nakadantay sa hubad nitong katawan, masuyong binabagtas ang kahabaan nito na parang manlalakbay sa disyerto, uhaw, pagod, gustong magpahinga at makainom. kahit konting patak ng tubig.

"bakit hindi ka sumunod sa akin doon? may bahay na tayo. may sasakyan. madali ka namang makakahanap ng trabaho doon eh," sabi ni nad, pero hindi ito nakatingin sa kanya kundi sa kulay puting ceiling, ulila maliban sa nag-iisang bilog na ilaw. gusto nyang pintahan ng masayang larawan ang ceiling, katulad sa sistine chapel, para mabawasan man lang ang lungkot sa kwartong yon pag-alis ni nad. mga anghel na naghaharutan. bakit nga ba hindi?

"sinasabi mo lang yan. pero kapag nandoon na ako, baka mag-iba na ang tono mo. mainis ka dahil ginugulo ko ang maayos mong buhay."

"hindi ah. mas gusto ko nga na may kasama. yong pag-uwi ko ay may nagluluto. may sasalubong na halimuyak ng adobo pabukas ko ng pinto. di ba marunong ka ng magluto ng adobo?"

"ah gusto mo lang pala ang maid. bakit hindi ka na lang mag-hire doon? i'm sure madaming babaeng willing makasama ka. kahit libre pa. o sila pa ang magbabayad sa iyo."

"sira! huwag ka ngang ganyan. sawa na ako sa ganoong set-up. ilang babae na ang nakalive-in ko doon. pero wala eh. iyong pinakahuli nga nasa kanya na ang lahat -- sobrang ganda, matalino, may magandang trabaho sa isang five-star hotel, edukado, mabait, masarap magluto. pero..."

"pero ano?"

"iba ang hinahanap ko.."

"lalake?"

"hindi."

"nanay mo?"

tawanan.

"sira ulo ka talaga, no? syimpre ikaw. ibang klase ka kasing magmahal eh. di ba sabi ko sa yo dati, i feel safe when i am with you. parang hindi mo papayagang may masamang mangyari sa akin. na lahat ibibigay mo para lang ako sumaya at lumigaya. gusto ko uling maramdaman iyon."

"yon ba ang impression mo sa akin? isang dakilang ina. pwes mali ka doon."

"ah ganon."

siniil sya ni nad ng halik. sa pisngi, sa labi, sa leeg, sa dibdib, pababa. maya-maya pa, muling napukaw ang natutulog nilang mga kaluluwa. muling naging disyerto ang malamig na kwarto, kahit nakatodo pa ang aircon. kahit pa patuloy sa paglamig ang simoy ng hangin sa labas dala ng kapaskohan.

&&&&&&&&&&&&&&

sa airport. tinatawag na ang flight number nya. pero ayaw pa ring umalis ni nad. nakapantalon itong maong, v-neck tee-shirt na blue, at brown na jacket na regalo nya noong pasko. naka-cap. sobrang gwapo. parang modelo. gusto na rin nya itong pigilan. pero hindi maari. dahil sa ngayon, alam nyang hindi pa nya ito pag-aari. nakatali pa ito sa mga pangarap nya. sa mga karanasang naghihintay sa kanya sa ibayong dagat. wala sa pilipinas ang kaluluwa nito.

"sumunod ka doon ha? ako ang bahala sa yo. hindi kita gugutumin."

tango lang ang naging sagot nya. oo mahal nya si nad. ayaw na nyang mawalay pa ito sa kanya. pero sa loob-loob nya, hindi nya kayang sumugal ng ganoon-ganoong lang. madaling sabihin ang mga katagang ito, na aalagaan sya ni nad pag nandoon na sya dahil sa ngayon ay nangungulila ito sa kanya. pero iba na pag nandoon ka na, laging nakakasama sa araw-araw. hindi kaya sya matulad sa mga babaeng pinagsawaan nya? na sa una'y mahal na mahal nya, pero sa katagalan ay nakainisan rin nya?

ano na nga ang sabi ni snooky serna sa isang pelikula nya kasama si christopher de leon noon? sa eksena, sinusuyo ni christopher si snooky na puno pa ng pasa ang mukha dahil binugbog nya noong malasing sya: "ang mga bulaklak mo, wala ng bango. ang mga tsokolate mo, wala ng tamis. pagod na pagod na ang puso kong mahalin ka!"

ayaw nyang umabot sya sa ganoon. na itapon na lang basta dahil katulad ng bulaklak, lanta na sya. dahil katulad ng tsokolate, expired na sya, lasang mapakla na. kailangan ng tanggalin sa vase, palitan ng sariwa at mas makulay na rosas. kailangan ng alisin sa ref at itapon sa basurahan at palitan ng ibang brand -- hershey's naman. tama na ang m&m.

"sumunod ka please?"

"oo." ang maikli nyang sagot. sabay tulak kay nad. "baka maiwanan ka ng flight mo."

ganito rin ang eksena nila. mga sampung taon na ang nakalipas. sa hong kong airport. noong unang alis ni nad. pero noon, sya ang gustung-gustong pigilian si nad na umalis. gusto nya itong makasama ng matagal sa hong kong. gusto nya itong ipasyal sa mga paborito nyang lugar doon -- victoria peak, disney land, lan kwai fong, soho, stanley. tapos sa macau kung saan nandoon ang mga modernong casino na talo pa ang las vegas.

noon, si nad ang nagmamadaling umalis. may isang oras pa bago lumipad ang eroplano nya, pero gusto na nitong mag-check-in. wala syang nagawa kundi pakawalan ito. hindi nya ito pag-aari. wala syang karapatan na pigilan ito sa kanyang pagtuklas sa mundo. kung ang mga magulang nga nya na inaruga sya mula sa pagsilang nya ay nagawa syang pakawalan, sya pa?

ibang-iba noon si nad. bata pa. payat. bagong gradweyt sa kolehiyo. lasang gatas pa ang labi. pero sa murang edad nito ay nandoon na ang kakaibang determinasyon nitong magtagumpay. hindi nya tuloy maalis na ikumpara sa sarili nya. noong bente anyos sya, pagkatapos grumadweyt sa college ay hindi muna sya nagtrabaho. tumamabay sa bahay nila -- nag pakasarap. inom, marijuana, disco, night swimming. ok lang yon sa parents nya. sa mga ate nya na lahat ay gradweyt na at may magandang trabaho. ang dalawa ay may sarili ng pamilya.

hindi kagaya ni nad, kailan man ay hindi nya naging problema ang pera. hindi man kasingyaman ng mga zobel de ayala ang pamilya nila, maayos naman ang buhay nila. merong silang buy and sell business, may mga truck na pinauupahan, fish pond, sakahan ng niyog at palay, mga lupaing pinauupahan. tapos ang tatay nya ay may pensyon dahil dati itong opisyal ng military.

paano kung nagkapalit kaya sila ni nad ng sitwasyon? aalis pa rin ba sya ng bansa kahit may isang taong kayang ibigay ang lahat ng kailangan nya, bilhin ang mga luho nya?

oo naman, naisip nya. katulad ni nad, ayaw nyang umaasa sa iba. in fact, mula ng magtrabaho sya, kahit maliit ang sweldo nya sa umpisa at kulang pang pambayad ng rent sa apartment, hindi sya humingi kahit isang centavo sa parents nya at sa mga ate nya. kahit noong mga panahong nawalan sya ng trabaho dahil nagsara ang dyaryo na pinagsusulatan nya dahil sa matinding pressure sa malakanyang. nagtiis syang hindi kumain minsan, hindi gumimik, nangutang sa iba pambayad ng rent.

umiiyak sya noon habang hinahabol ng tingin ang papalayong si nad. sana lumingon sya bago sapitin ang immigration. pero hindi. tuloy-tuloy lang ito. parang nagmamadaling iwanan ang lumang buhay nya at habulin ang bagong kabanatang naghihintay sa kanya sa disyerto.

mga ilang buwan mula ang umalis ito, nawalan sila ng komunikasyon. hindi na nito sinagot  ang mga email nya. kapag kinukulit nya ang kuya nito na noon ay nag-aaral pa sa maynila at maging ang nanay nya, wala syang makuhang matinong sagot kung bakit bigla na lang hindi na sinasagot ni nad ang mga email nya. baka busy, lagi nilang sabi. alam mo na, bago lang sa trabaho. nagsisipag. nagpapa-impress sa mga boss nya.

napagod din sya. kahit mahal nya ito, nainis din sya. katulad ni snooky sa pelikulang "kapag napagod ang puso", gusto na nyang kumawala sa sariling rehas kung saan ikinulong nya ang sarili nya. rehas na puno ng lungkot.

hindi na rin sya nag-email kay nad. hindi na rin sya tumawag pa sa pamilya ng binata na naiwan sa maynila. nalaman na lang nya, may girlfriend na ito doon. naiintindihan nya yon. malungkot sa ibang bansa. mababaliw ka kung lagi kang mag-isa. sa edad nyang yon, dalawampung taon, hindi pa ito matibay at matatag. hindi tulad nya na kaya na nyang pasaning mag-isa ang lungkot, punan ang kahungkagan sa kahit anong paraan.

pero mula ng mawala si nad sa buhay nya, nahirapan na syang muling magmahal. magtiwalang muli. laging may takot at kaba sa dibdib. paano kung iwanan mo rin ako?

kaya ang nangyari, bago pa man mangyari iyong kinatatakutan nya ay inuunahan na nya ito. kahit mahal pa nya ang lalake, pinuputol na nya ang kanilang relasyon. dahil ayaw na nyang umiyak. maiwang mag-isa habang nakahawak sa pangakong napako sa limot.

pagod na syang magmahal ng tapat.

&&&&&&&&&&&&

halik sa pisngi. si nad.

"bye. sunod ka ha."

"bye. safe flight, nad."

mabagal na hakbang. panay lingon ni nad sa kanya. panay senyas nya na bilisan nito baka maiwan sya ng flight. bago pa man marating ni nad ang immigration, umalis na sya.

hindi na nya kayang muling iwanan sya nito.

&&&&&&&&&&&&&&&&


nang gabing yon, pinag-isipan nyang maigi ang pagsunod kay nad sa disyerto. tumingin sya sa mga websites ng mga dyaryo at ibang kumpanyang naghahanap ng reporter, writer, or public relations staff. madami. mga kilalang kumpanya pa.

inumaga sya sa paghahanap ng trabaho at pagpapadala ng mga application letter at cvs.

nakatulog syang may ngiti sa labi. kahit pagod.

"sunod ka ha?"

nandyan na ako, huling naisip nya bago nakatulog.

^^^^^^^^^^^^^^^^^^^^^^^^

alas onse ng umaga. nagising sya sa ingay ng kanyang cellphone. isang numerong hindi nya kilala. ilang linggo na lang at aalis na rin sya patungong disyerto upang makapiling si nad. nakahanap na sya ng trabaho. naka-impake na ang mga gamit nya. ayos na rin mga papeles nya.

"hello," sagot nya, habang nakahiga pa. pinaglalabanan pa ang antok.

"kuya, si cheska ito."

si cheska, bunsong kapatid ni nad. mabait. maganda. matalino. bata pa. mga sixteen lang.

 "o bakit?"

"wala na si kuya nad."

"ha? what do you mean?

iyak. hagulgol. hikbi.

"chess, what do you mean?"

"kanina, habang papunta sya ng office, nabangga ang sasakyan nya."

hindi na nya narinig pa ang ibang sinabi ni cheska. nabitawan nya ang telepono.

bangungot. umpisa ulit ng matagal at madilim na tag-ulan sa buhay nya sa gitna  pa mandin ng tag-araw. iba talagang magbiro ang tadhana. walang kasing sakit.

&&&&&&&&&&&&&&&&

mainit ang panahon. ang tindi ng sikat ng araw. kulay asul ang misteryosong dagat, lalong tumingkad ang kulay dahil sa kislap ng araw. nag-aanyaya. halika, yayakapin kita. aalisin ko ang lungkot at lamig na bumabalot sa buong katauhan mo. papawiin ko lahat ng mga pangungulila mo sa buhay. ibibigay ko sa yo ang ligayang naging mailap sa yo mula noon pa.

hindi na sya nag-dalawang isip pa. tumalon sya mula sa barkong sinasakyan nya.

ang lamig ng tubig.  parang muling binuhay ang patay na nyang puso. bumulusok sya sa parang walang katapusang lagusan patungo sa kawalan.

******************

Comments

Popular posts from this blog

philippine cinema's best actresses

one fyn day

filipino women on the verge of.....greatness